PARA sa Department of Health (DOH), hindi angkop na alternatibo ang nauusong vape bunsod ng nakaambang epekto sa kalusugan.
Sa isang kalatas, nagbabala ang DOH paggamit ng vape at iba pang anyo ng e-cigarettes na karaniwang sanhi ng sakit na EVALI.
Ayon sa American Lung Association, ang EVALI ay isang acute respiratory illness o biglaang sakit sa baga na maaaring makuha sa paggamit ng mga vape device.
Kabilang sa mga sintomas ng naturang karamdaman ang ubo, hirap sa paghinga at pananakit ng dibdib na sa malalang kaso ay maaaring humantong sa permanenteng pagkasira ng baga, pagkaospital at maging pagkamatay.
Dahil dito, pinaalalahanan ng DOH ang publiko na iwasan ang paggamit ng vape at sigarilyo upang maprotektahan ang kalusugan ng baga at puso. (JULIET PACOT)
