MALAKING bentahe ang buwis sa mga programa at proyekto ng gobyerno, pero hindi angkop na maging pabigat sa mga Pilipino.
Sa ginanap na deliberasyon ng Ways and Means Committee ng Kamara, walang kahirap-hirap na inaprubahan ng mga kongresista ang panukalang batas na naglalayon ibasura ang implementasyon ng travel tax.
Ayon kay Marikina City 2nd District Rep. Miro Quimbo, na tumatayong chairperson ng House Ways and Means Committee, hindi na dapat magpatuloy ang dagdag gastos sa hanay ng mga biyaherong Pinoy.
Ginawa ni Quimbo ang pahayag matapos na aprubahan ng nasabing komite ang substitute bill para sa nasa 17 panukalang batas – kabilang ang House Bill 7443 na akda ni Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
Sa ginanap na pagdinig, nagmosyon si House Deputy Majority Leader Ernix Dionisio ng Maynila para katigan ng House panel ang pinag-isang panukalang batas na halaw sa HB 7443, 7367, 7612, 7703, 7757, 150, 3529, 3890, 4793, 5821, 6228, 6979, 7155, 7307, 7631, 7695, and 7758, na pawang may titulong “AN ACT ABOLISHING THE TRAVEL TAX.”
Nang walang sinumang ang tumutol, idineklara ni Quimbo ang pagsang-ayon sa mosyon, na nagbigay-daan para isantabi ang “decades-old levy” na ipinapataw sa mga biyaherong Pilipinong karamihan ay middle-income earners.
Una nang nagpahayag ng suporta ang mga kinatawan ng Department of Finance (DOF) at Department of Budget and Management (DBM) sa panukalang batas na isinusulong ni House majority leader Marcos.
Bilang tugon, sinabi ni Quimbo hindi makakailang nakatutulong ang kinokolektang travel tax partikular para sa mga programa at proyekto ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Commission on Higher Education (CHEd) at ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Subalit sang-ayon ang House panel head sa giit ng batang Marcos na nagmungkahi na paglaanan ng bukod na pondo sa ilalim ng General Appropriations Act ang mga programa ng mga nabanggit na ahensya.
“The survival of these programs should not be dependent on the number of travelers. They are far too important to be dependent on unpredictable numbers. The tax system should remain progressive and should not place an undue burden on ordinary Filipinos,” pahayag ni Quimbo.
Inaasahan naman na isusumite sa House Committee on Appropriations ang inaprubahang substitute bill para sa kaukulang deliberasyon bago pa man isalang sa talakayan sa plenary session ng Kamara. (ROMER R. BUTUYAN)
