SA halip na bulwagan ng lokal na sanggunian, sa masikip at mabahong kulungan muna mag-oopisina ang isang vice mayor matapos makunan ng droga sa isang operasyon sa bayan ng Guinsiliban, lalawigan ng Camiguin.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) regional director Alex Tablante ang suspek sa alyas na Tata, 66-anyos at residente ng Purok 3, Barangay North Poblacion, ng nabanggit na lokalidad.
Batay sa paunang impormasyon ng PDEA, nakuha sa pag-iingat ng vice-mayor ang nasa mahigit P100,000 halaga ng drogang natagpuan sa kanyang tahanan.
Martes ng gabi nang pasukin ng pinagsanib na pwersa ng PDEA at lokal na pulisya ang tahanan ng vice mayor sa bisa ng search warrant na inilabas ng husgado.
Bukod sa droga, kumpiskado rin sa isinagawang operasyon ang isang 9mm pistol na kargado ng bala, spare magazine, 22 rounds ng live ammunition, dalawang cellphones at mga drug paraphernalia.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Sections 11 at 12, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek.
