MATAPOS ng kumpirmahin ang pagka aresto ni dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co sa Czech Republic, nakabanaag ng pag-asa si House Speaker Faustino Dy III sa nalalapit na pagkakamit ng hustisya sa nagwaldas ng pondo ng sambayanang Pilipino.
“The arrest of Mr. Zaldy Co is an important step forward for justice and the rule of law. It sends a clear message that those who attempt to evade the law will be held to account,” saad sa pahayag ni Dy.
“Malinaw na mula pa sa kanyang SONA, sinabi na ng Pangulo na walang puwang ang katiwalian sa kanyang pamumuno. That accountability must apply to everyone, especially those entrusted with public funds,” dugtong ng House Speaker.
Ang tinutukoy ni Dy ay ang determinasyon ni President Ferdinand Marcos Jr. na tukuyin at makasuhan ang mga nasa likod ng tinaguriang flood control scandal — ang pinakamalaking naitalang bulilyaso sa pondo sa kasaysayan ng bansa.
Sa kalatas ni Dy, nagpahayag din ng suporta ang pamunuan ng Kamara sa adhikain ng Pangulo, kasabay ng pangakong mananatiling nakatuon ang Kongreso sa pagbalangkas ng mga hakbang para matugunan ang iba’t-ibang mabibigat na hamong kinakaharap ng bansa, kabilang ang oil crisis.
“Habang tinutugunan natin ang usaping ito, tuloy ang trabaho ng Kapulungan sa mga pangangailangan ng ating bayan, lalo na sa epekto ng krisis sa Middle East. We remain focused on measures that will help protect our economy, support our people, and deliver concrete relief where it is needed most.”
