“KUNG talagang nais ni VP Sara na ipakita ang kanyang accountability bilang public servant, mas mabuting isauli na lang ang pondong ipinapabalik ng COA.”
Ito ang mabigat na hamon ni impeachment endorser at Deputy Speaker Paolo Ortega V (La Union 1st District) kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng final ruling na ipinalabas na notice of disallowance ng Commission on Audit (COA) sa P73.287 million confidential funds na ginamit ng Office of the Vice President (OVP) noong Disyembre 2022.
“Dapat siyang managot sa pera ng bayan na ipinagkatiwala sa kanya at kilalanin kung saan nagkulang sa proseso,” mensahe ni Ortega sa bise-presidente.
Ayon sa La Union solon, hindi maliit na halaga ang tinutukoy ng COA na mali ang paraan ng paggamit ng OVP, lalo na sa panahong mabigat ang hamon sa ekonomiya at marami ang nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno.
“Hindi ito barya. Napakalaking halaga nito, at sa hirap ng buhay ngayon, inaasahan ng taumbayan na bawat sentimo ng pondo ng gobyerno ay maayos na naipapaliwanag,” tigas na sabi ni Ortega.
Punto ng ranking House official, “final and executory” na ang desisyon ng COA sa nauna nitong ipinalabas na notice of disallowance kung saan nabisto ang aniya’y malinaw na pagkukulang sa panig ng OVP na maipaliwanag sa ilalim ng umiiral na mga tuntunin kung paano ginamit ang milyong-milyong halaga ng pondo.
“COA has already flagged a pattern. Kung paulit-ulit ang disallowance, may sinasabi ito sa paraan ng paghawak sa pondo ng bayan. Kaya nararapat lamang na isauli ang pinapasoli,” sabi pa ni Ortega.
“Simple lang ang hinihingi ng taumbayan: respeto sa proseso, respeto sa COA, at respeto sa pera ng bayan.”
