APAT na taon matapos makopo ng UniTeam ang 2022 presidential elections, isang reklamo ang inihain sa Commission on Elections laban sa tambalan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Partikular na idinulog ng grupong Kontra Daya ang umano’y illegal campaign contributions noong 2022 elections.
Kabilang sa pinangalanang respondents sina Rodolfo Hilot Jr. ng Rudhil Construction Enterprises, Inc. at Glenn Escandor ng ESDEVCO Realty Corp. at Genesis 88 Construction, Inc.
Ayon sa reklamo, nagbigay umano ang mga naturang contractor ng kontribusyon noong eleksyon kahit may “existing contract” sa gobyerno.
Sa ilalim ng Section 95 (C) ng Omnibus Election Code, mahigpit na ipinagbabawal sa mga kontratista ang pagbibigay ng ambag sa kampanya sa mga kandidato — gayundin ang pagtanggap ng mga kandidato sa anumang posisyon sa gobyerno.
Bagamat nakasaad sa batas ang karampatang parusa sa mga nagbigay ng campaign contributions, iginiit ni BAYAN Secretary General Mong Palatino na dapat managot din sa batas ang mga tumatanggap ng donasyon para sa eleksyon.
Binanggit din sa reklamo na lumitaw sa mga opisyal na Statement of Contributions and Expenditures (SOCEs) ang naturang mga kontribusyon, kung saan pinangalanan bilang tumanggap sina Marcos at Duterte.
Malinaw umano sa batas na hindi maaaring magbigay ng donasyon sa kampanya ang mga contractor ng gobyerno upang maiwasan ang conflict of interest at posibleng impluwensya sa pamamahala.
Panawagan ng grupo sa Comelec, magsagawa ng masusing imbestigasyon, tukuyin ang pananagutan ng mga sangkot, at magsampa ng kaukulang kaso kung mapapatunayang may paglabag.
Giit pa ng Kontra Daya, mahalagang maipatupad ang mga probisyon ng batas upang maiwasan ang tinatawag na “pay-to-play” na sistema at mapanatili ang integridad ng halalan at ng pampublikong pondo.
