PARA kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, malabong maging state witness si dating Ako Bicol partylist Zaldy Co na inaasahang ibabalik sa bansa matapos dakpin sa Czech Republic kamakailan.
Ang dahilan — kabilang si Co sa mga pinaniniwalaang mastermind sa likod ng tinaguriang flood control scandal.
Sa isang panayam sa radyo, inilatag ni Lacson ang ilan sa mga panuntunan para makapasok bilang state witness ang isang akusado.
Aniya, isa sa mga pangunahing requirements para maging state witness ay dapat “least guilty” ang aplikante. Pero sa kaso ni Co, lumalabas aniyang kabilang ang puganteng kongresista sa mga nagplano ng anomalya sa gobyerno.
“Sa tingin ko, ‘yung kanyang katayuan ngayon, medyo masikip… maraming requirements para mag-qualify ka bilang state witness,” saad ng senador.
Dalawang araw na ang nakalipas nang damputin si Co sa Prague, Czech Republic dahil sa kawalan ng kaukulang patunay na legal ang pagpasok ng kongresista sa naturang bansa.
Pag-amin ni Lacson, malaking bentahe ang pagharap ni Co sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Gayunman, nilinaw ng senador na kailangan muna ng pahintulot mula sa korte bago ipatawag ang dating partylist solon lalo pa’t naglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban sa dating mambabatas.
