IBALIK man ang nalustay P73-milyong bahagi ng inilaang confidential funds sa kanyang tanggapan, matutuluyan pa rin si Vice President Sara Duterte.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon na tumatayong chairman ng House Committee on Public Accounts, ang Notice of Finality of Decision (NFD) na inilabas ng Commission on Audit (COA) sa Notice of Disallowance sa paggamit ng pondo ng Office of the Vice President (OVP) noong huling bahagi ng taong 2022.
Bukod sa impeachment, nakaamba rin aniya ang pagsasampa ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman laban sa pangalawang pangulo, gayundin ang kasong kriminal sa Sandiganbayan.
Para kay Ridon, malaking dagok sa kampo ni Duterte ang “final ruling” ng COA sa inihaing impeachment complaint sa Kamara.
“While these proceedings may arise from the same set of facts and evidence, each carries distinct legal consequences,” wika ni Ridon.
“Hindi natin pwedeng pagbanggain ang proceedings sa Commission on Audit, Office of the Ombudsman, at House of Representatives dahil magkaiba ang consequences ng bawat isa, kahit pare-pareho ang facts at defenses na pinagbabatayan nila,” dagdag ng House panel head.
“Malinaw na tutuloy ang mga ito nang magkakahiwalay at pagpapasyahan din nang magkakahiwalay,” dugtong ng kongresista.
Sinabi rin ng mambabatas na dahil sa desisyon ng COA En Banc, obligado ang bise presidente na ibalik sa gobyerno ang nabanggit na milyones na confidential fund.
“Sa pagkakaintindi ko, maaaring habulin ang P73 million sa pamamagitan ng mga legal na remedyo gaya ng garnishment ng bank accounts at iba pang ari-arian,” ayon pa kay Ridon.
Subalit ipinunto niya na kahit maibalik ang halagang ginastos sa maling pamamaraan, hindi mabubura ang mga kasong kakaharapin ni Duterte.
“Kahit maibalik pa ang P73 million sa kaban ng bayan, hindi nito pinapawalang-bisa ang Ombudsman proceedings at hindi rin apektado ang impeachment proceedings. Ang usapin ng misuse of confidential funds ay maaaring magbigay-daan sa finding ng betrayal of public trust, na isang impeachable offense,” anang partylist solon.
“Magpapatuloy ang impeachment proceedings laban sa Pangalawang Pangulo, anuman ang mangyari sa usapin ng restitution.”
