SA pagpayag ilantad ang sariling bank accounts malaki ang papel na gagampanan ni Ramil Madriaga sa impeachment proceedings laban sa dati niyang amo na si Vice President Sara Duterte.
Sa isang kalatas, nanindigan si House Deputy Speaker Paolo Ortega V na malaking bentahe sa impeachment trial ng Senado kung uupo bilang “star witness” ang dating bagman ng pangalawang pangulo.
“Napaka-credible ng witness na walang itinatago. The fact na kaya at willing si Mr. Madriaga na mag-tell all at mag-open all, ibig sabihin ay kaya niyang patunayan ang lahat ng kanyang sinabi. Kusa na siyang nagpapasilip ng kanyang mga bank accounts, and this is a really good test of his credibility,” wika ni Ortega.
“At kapag ang impeachment laban kay VP Duterte ay umabot sa Senado dahil sa mga isiniwalat ni Mr. Madriaga, siguradong star witness na siya. Marami siyang sinabi sa kanyang affidavit at supplemental affidavit na kapag napatunayang tama o credible ng kanyang bank records, instant star witness na talaga,” giit pa ng La Union congressman.
Ayon kay Ortega, malaking bagay ang paglagda ni Madriaga sa waiver patungkol sa karapatang ilihim lamang sa kanya ang detalye ng kanyang mga bank account dahil malalaman kung tama ang kanyang mga isiniwalat sa nakaraang clarificatory hearing ng House Committee on Justice.
Sa binasa niyang 24-page supplemental affidavit, inamin ni Madriaga na nagsilbi siyang dummy sa daan-daang bank transactions ng Duterte.
Ani Madriaga, hindi siya ang personal na nagpunta sa bangko bagkus ang mga indibidwal na may kaugnayan sa mga Duterte ang silang nagbukas ng bank accounts na nakapangalan sa kanya.
Tinukoy niya ang bank accounts, na pinahintulutan niyang mabusisi, na kinabibilangan ng China Bank sa Legazpi Village, Makati City; China Bank Main Makati City; China Bank branch na malapit sa fire station sa Ayala, Makati City; PNB Makati Metropolitan Avenue Branch, Makati City; isang bangko sa Pasig City; at isa pang bangko sa Lubao, Pampanga.
“Kung ang sinasabi niya ay ginamit ang pangalan niya bilang dummy, natural lang na ang susunod na tanong ay: nasaan ang patunay nito? Doon nagiging mahalaga ang waiver, dahil pwede nang sundan hindi lang ang tao kundi pati ang daloy ng pera,” ayon kay Ortega.
“So malalaman natin kung nagsasabi si Madriaga ng totoo. Makikita natin ang bank records. Makikita natin ang paper trail. Makikita natin kung sino at saan idineposito. We will see a bigger picture than just mere allegations,” sambit pa ng ranking House official.
Sa panig ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, na tumatayong chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, kanyang inilarawan si Madriaga bilang ‘missing link’ sa confidential funds trail ng bise presidente.
Sa nakaraang pagdinig hinggil sa P500 million confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at P112.5 million naman Department of Education (DepEd), na kapwa nasa ilalim ng pangangasiwa ni Duterte, naputol aniya ang impormasyon sa kung saan napunta ang nasabing pondo matapos sabihin nina Special Disbursing Officers (SDOs) Gina Acosta at Julieta Villadelrey na ibinigay nila ito kina Col. Dennis Nolasco at Col. Raymund Dante Lachica, na security officers ng bise-president.
“So ngayon, based dito sa affidavit ni Madriaga, ito nangyari. Binigay dito, binigay dito, binigay dito,” ani Chua.
“Now, who is Colonel Nolasco? Who is Colonel Lachica? Eh wala naman silang… they’re not connected. They’re not even connected to OVP and DepEd kasi AFP sila eh. Ang trabaho nila is to secure the Vice President, not to disperse [funds].”
