PARA kay dating House Speaker Martin Romualdez, higit na angkop pairalin ni Ombudsman Crispin Remulla ang delicadeza, kasabay ng panawagan bitawan ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang dahilan — nauna pang humusga si Remulla kesa sa Sandiganbayan.
Paglilinaw ng mga abogado ni Romualdez, ang hirit na pagdistansya ni Remulla ay hindi usapin ng pagkuwestyon sa integridad ng institusyon kundi para lamang magkaroon ng patas at tamang proseso.
Sa apat na pahinang liham ng Villaraza & Angangco Law Offices, partikular na pinuna ang public statements ni Remulla at ibang opisyal ng anti-graft corruption body kung saan hayagang inakusahan ng plunder ang dating lider ng Kamara kahit wala pang formal complaint o preliminary investigation.
“There is a reasonable impression that the Ombudsman has already resolved to prosecute our client,” giit pa ng defense lawyers.
Dismayado ang kampo ni Romualdez sa naging pahayag ni Remulla, partikular noong Nobyembre ng nakaraang taon, na may ilang linggo na nilang pinag-aralan ang posibleng pagsasampa ng plunder charges laban sa una.
Nitong nakalipas na araw, muling pinangalandakan umano ni Remulla ang isasampang kaso.
“These were no longer neutral investigative updates—but early disclosures of a prosecution theory,” paglalarawan ng kampo ng dating pinuno ng Kamara sa mga litanya ni Remulla.
Dagdag pa ng defense counsel, dahil sa mga paandar ni Remulla, posibleng maimpluwensyahan ang mga ‘subordinates’ na sundan ang kanyang personal na posisyon sa usapin ng flood control scandal.
Inihalimbawa ng mga abogado ang bulalas ni Assistant Ombudsman Mico Clavano sa isang press conference kung saan walang kaabog-abog na tinawag si Romualdez bilang “master plunderer”.
“Taken together, the statements create the impression that any investigation would be a “mere formality” to justify a pre-set outcome,” anang defense team.
Alinsunod sa doktrina ng Korte Suprema sa pagiging patas, hinimok ni Romualdez si Remulla na mag-inhibit na lamang, kasabay ng giit sa pagpasok ng “neutral and independent-minded official” na mangunguna sa imbestigasyon.
