BAGO pa man ang pormal na paghahain ng kaso, nagsiguro na ang Office of the Ombudsman na hindi matutulog sa husgado ang asuntong plunder laban kay dating Senate President Francis Escudero kaugnay ng tinaguriang flood control scandal.
Sa isang petisyon, pormal na hiniling ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang paglalabas ng preventive hold departure order laban kay Escudero at negosyanteng si Maynard Ngu.
Kapwa iniimbestigahan sina Escudero at Ngu sa umano’y plunder, graft, at indirect bribery kaugnay ng flood control scandal.
Una nang isiniwalat ni former DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ang pagiging “malapit” ni Ngu kay Escudero. Katunayan aniya, kabilang si Ngu sa gumastos sa kampanya ng senador.
Inamin din ni Bernardo ang paghahatid ng P160 milyon sa negosyante para umano sa dating lider ng Senado.
Mariin namang itinanggi nina Escudero at Ngu ang mga alegasyon at anumang pagkakasangkot sa umano’y kickback sa mga flood control project.
