HINDI kanlungan ng mga wanted na dayuhan ang Pilipinas. Ito ang mensahe ng Bureau of Immigration, kasunod ng pag-aresto sa dalawang Japanese nationals na wanted bunsod ng kasong fraud sa bansang pinagmulan.
Batay sa impormasyong nakalap ng Saksi Pinas, dinakip ng pinagsanib na pwersa mula sa BI at National Police of Japan sa isang operasyon sa Roxas Boulevard sa Pasay City sina Oi Takumi, 30 anyos, at Okada Sho, 27-taong gulang.
Ayon sa BI, kapwa may aktibong warrant of arrest para sa kasong fraud sa Kokura Summary Court ang dalawang dayuhan.
Parehong nasasangkot sa financial scam sina Takumi at Sho na umano’y nagpapakilalang law enforcement officer sa mga target biktimahin.
Sa pagbusisi ng BI, nabisto rin na expired na ang visa ng mga suspek na nahaharap sa deportation.
