HINDI na nagawang pasukin ng mga bumbero ang isang nasusunog na bahay sa bayan ng San Mateo sa lalawigan ng Rizal kung saan dalawang bata ang nasawi, ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa ulat ng BFP, wala nang buhay nang matagpuan sa ikalawang palapag ang dalawang batang babae — edad pito at 19-anyos.
Naganap ang trahedya sa isang compound sa Tubo Kaliwa, Barangay Malanday, San Mateo, Rizal noong Lunes ng tanghali, Mayo 4.
Bagamat agad na naapula ang sunog na umabot lang sa unang alarma, hindi na nailigtas ang magkapatid, ayon kay Fire Marshal Rochelle Bartolome.
Pag-amin ng mga magulang ng biktima, kaaalis pa lamang nilang mag-asawa nang maganap ang sunog.
Sa datos ng barangay, 10 pamilya ang apektado habang anim na bahay na gawa sa light materials ang natupok.
Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang sanhi ng sunog.
