SIYAM sa kada 10 Pilipino ang nanabik makita ang personal na pagharap ni Vice President Sara Duterte sa napipintong pag-arangkada ng impeachment trial sa senado, batay sa pinakabagong survey ng Tangere research group.
Sa Kamara, hindi na ikinagulat ng mga kongresista ang paglawak ng kamulatan ng mga Pinoy sa usapin ng katiwalian sa pamahalaan.
“Hindi nakakapagtaka na halos siyam sa bawat sampung Pilipino gustong humarap si VP Sara sa Senate trial. Sa bigat ng ebidensya, hindi abogado ang hinahanap ng tao. Ang hinahanap nila, si VP Sara mismo,” pahayag ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
“Kung may tanong sa P612.5 million confidential funds, sa P6.77 billion na money trail, sa cash envelopes sa DepEd, at sa mga bantang umabot hanggang assassination plot, natural lang na gusto ng publiko na humarap siya,” dugtong ni Adiong.
Para naman kay Tingog partylist Rep. Jude Acidre, hindi pwedeng balewalain ang sentimyento ng mas nakararaming Pinoy na nagnanais panagutin ang mga abusado sa gobyerno.
Sa panig ni Acidre, hindi na aniya nakakapagtaka ang survey report dahil matapos ang mga pagdinig sa Kamara ay nakita ng tao na hindi ito isang simpleng isyu lang.
“Article I pa lang mabigat na, lalo na kapag pinagsama mo pa ang unexplained wealth, bribery, at grave threats,” ani Acidre.
“Kung sa Article II pa lang may tanong na sa SALN at bilyon-bilyong galaw ng pera, bakit abogado lang ang magpapaliwanag? Syempre gusto ng publiko, siya mismo ang sumagot,” dagdag niya.
“Kapag ang Articles of Impeachment ay may usaping confidential funds, cash inducements, ill-gotten wealth, at banta sa Pangulo, hindi pwedeng appearance by proxy ang depensa,” sabi rin ni Acidre.
Kapwa kumbinsido ang dalawang kongresista na marapat lang si VP Sara ang personal na humarap at sumagot sa mga paratang at ebidensyang una nang inilantad sa mga pagdinig ng House Committee on Justice.
Sa resulta ng Tangere survey, 90 percent ng mga respondents ang pabor sa pag-arangkada ng Senate impeachment trial, habang 82 percent naman ang nais ang personal na pagharap ng pangalawang pangulo — at hindi ang santambak niyang abogado.
Samantala, walong porsyento lang ang naniniwalang sapat na ang pagharap sa senate impeachment court ng santambak na abogado ng pangalawang pangulo. Nasa pitong porsyento naman ang nagsabing hindi na dapat siputin ni VP Sara ang paglilitis ng Senate impeachment court.
