IMBES na i-abswelto, lalo pang nadiin si Vice President Sara Duterte sa pag-upo ng dalawang testigo ng depensa sa pagdinig ng Senate impeachment court. Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers ang testimonyang inilahad nina Samal City Assessor Engr. John Kenneth Enumerables at Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin. “Dalawang testigo na ang hinarap ng depensa, pero hanggang ngayon ay wala pa rin silang naibibigay na malinaw at kapani-paniwalang sagot sa mga ebidensyang inilatag ng prosekusyon,” wika ni Barbers. “Sa halip na pahinain ang aming kaso, lalo pang pinatibay ng sarili nilang mga testigo ang mga katanungan tungkol sa mga kuwestiyonableng deklarasyon ni Sara Duterte sa kanyang mga ari-arian,” dugtong ni Barbers na tumatayong adviser at spokesperson ng prosekusyon. Tinukoy ni Barbers ang pagbibigay ng testimonya ni Enumerables, na umamin sa isinagawang cross-examination na hindi siya nakatitiyak kung ang ari-ariang nakarehistro sa pangalan ng asawa ni Duterte, na si Manases Carpio ay siya ring ari-ariang idineklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente. “Napakasimple ng tanong: Iisa ba ang property na nakasaad sa titulo at deed of sale at ang ari-ariang idineklara sa SALN? Ang mismong testigo ng depensa ang umaming hindi siya sigurado. Kung hindi nila kayang patunayang iisa ang ari-arian, paano nila mapapabulaanan ang alegasyon na may mga ari-ariang hindi idineklara?” giit ng dating Surigao del Norte congressman. Hinggil naman sa naging salaysay ni Adalin, ang unang testigong isinalang ng depensa, sinabi ni Barbers na kinuwestiyon ng prosekusyon ang malaking pagkakaiba sa halaga ng pagkakabili ng ari-arian, paglalarawan dito at iba pang detalye sa mga dokumento sa itinuturo nito siyang real estate property sa nailagay ni Duterte sa isinumiteng SALN. Punto ni Barbers, hindi sapat na sumalang lamang sa witness stand ang mga assessor, magpakita ng mga tax map at magturo ng lokasyon kung hindi naman nila matiyak ang pagkakakilanlan ng ari-arian at kung ito nga ba ay tumutugma sa mga deklarasyon sa SALN. “Dapat magsalita ang mga dokumento para sa kanilang sarili, at obligasyon ng depensa na ipaliwanag ang bawat pagkakaiba at hindi pagtutugma,” aniya. Dagdag ni Barbers, nananatiling mabigat na hamon sa depensa ang mga dokumentaryo at testimonial na ebidensya ng prosekusyon, kabilang ang mga rekord sa pananalapi, transaksyon sa bangko, buwis, korporasyon at mga ari-arian. Hinamon naman ni House prosecutor at Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon ang depensa magsalang ng mahusay at kapanipaniwalang mga testigo para na rin sa interes ng kliyente nilang si VP Duterte. “Sa loob po ng dalawang araw, iyung dalawa sa tatlong testigo ay parang nilalaro lang ang Senate impeachment court. Yung nauna, ayaw sumagot. Yung pangalawa, ayaw din sumagot. Yung nauna, parang nagsisinungaling. Yung pangalawa, parang din nagsisinungaling,” ani Ridon. “Moving forward, we are expecting the next couple of days na dapat ayusin naman ng depensa yung kanilang presentasyon ng ebidensya. I don’t think it serves the side of the Vice President pagka ganito yung tipo ng mga testigong inilalahad nila. So, moving forward, mas maayos yung mga defense witnesses na iprepresenta,” dugtong niya. Sinabi naman ni Counsel for the prosecution Atty. Benjamin Tolosa Jr., na napansin niyang maging ang ilang senator-judges ay hindi kumbinsido sa dalawang defense witness. “Mukhang hindi naging forthright. Mga simple questions hindi masagot. I think it was Senator Lapid who have mentioned pati birthday mo, parang nakalimutan mo na,” pahayag pa ni Tolosa. “I’m sure the senator-judges will take all of this into consideration, in determining the credibility of the witnesses presented by the defense, as well as the ones that we presented, the hostile witnesses na connected to the VP, working under her.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation 90-day suspension, hindi patunay ng pagkakasala