SADYANG malalim ang bulsa ng esposo ni Vice President Sara Duterte. Sa isinagawang cross examination ni private prosecutor Rey Robles, inamin ng isang testigo ng depensa sa paglilitis ng Senate impeachment court ang pamamakyaw ni Atty. Mans Carpio ng mga mamahaling sapatos na ipinamahagi hindi lang sa mga atleta kundi maging sa iba pang kasama sa biyahe. Ayon kay defense witness Chadrin Parian, umabot sa P256,000 ang kabuuang halaga ng mga Nike shoes giveaway na ipinamigay ni Carpio matapos masungkit ang kampeonato sa nimalhukang torneo sa naturang bansa. Kwento ni Parian, nagtungo ang delegasyon —kasama ang mga magulang, sa Nike store na nasa Pavillion Mall sa Kuala Lumpur, Malaysia, kung saan umano binili ni Carpio ang nasa 24 pares ng mamahaling sapatos. “So nakikita po natin dito na hindi lang po ’yung mga bata ang inilibre ng sapatos ni Atty. Carpio. Tama po ba?,” tanong ni Robles. “Tama po. Opo,” sagot naman ni Parian. “Kasi may mga babae pa nga ho dito na may mga sapatos na dala. Tama po ba?,” pag-usisa ulit ng private prosecutor. “Tama po,” tugon muli ng testigo. “May nabigyan din po ako ng mga sapatos. Pero ’yung ganito na ganyang kadami, P256,000, hindi ko po kaya ’yan,” saad pa ni Parian. Tinanong ni Robles ang saksi kung ang paggastos ng nasabing halaga para sa libreng sapatos ng grupo ay naaayon sa legal requirement para sa public officials at pamilya nito na magkaroon ng simpleng pamumuhay. “So, my opinion po is, hindi ko po alam. I cannot answer for him po. Well, I think deserve naman po ng mga bata saka ibang mga magulang,” pahabol ni Parian. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Dollar account ni VP Sara, kinumpirma ng BPI