WALA na sa kustodiya ng senado ang puganteng senador na si Ronald “Bato” Dela Rosa. Ito ang kinumpirma ng pamunuan ng mataas na kapulungan matapos ang putukan sa loob ng gusali, Miyerkules ng gabi.
Maging ang mga kawani sa tanggapan ni Dela Rosa, walang tugon nang tanungin ng mga mamamahayag hinggil sa kinaroroonan ni Dela Rosa.
Base sa impormasyon na nakalap ng mga mamamahayag, pumuslit si Dela Rosa dakong alas 2:30 ng umaga kasama si Sen. Robin Padilla na kilalang kaalyado ng wanted na mambabatas.
Sa pagkawala ni Dela Rosa, pinagpapaliwanag ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pamunuan ng mataas na kapulungan na aniya’y nagsulong ng “protective custody” sa tarfget ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) para sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nagdaang administrasyon.
Wala pang pahayag si Padilla hinggil sa pagtakas ni Dela Rosa.
Samantala, tiniyak naman ni Senate President Alan Peter Cayetano na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Office of the Sergeant-At-Arms hinggil sa sinasabing pag-eskapo ni Bato.
Inaasahan din maglalabas ng opisyal na pahayag ang Senado pagkatapos ng pulong ng mga mambabatas.
