HINDI pa man nagtatagal sa pwesto, usap-usapan na sa Senado ang planong pagpapatalsik kay Senate President Alan Peter Cayetano bunsod ng pag-eskiyerda ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na nasa ilalim ng senate protective custody.
Pag-amin ni Cayetano, nakikipag-ugnayan na ang mga minority senators sa mga miyembro ng bagong mayorya para suportahan umano ang pagpapalit ng liderato sa senado.
“Medyo busy sila [Senate minority group] ngayon, tina-try kausapin yung mga miyembro namin na sumama ulit sa kanila,” wika ni Cayetano sa isang ambush interview.
Nang tanungin kung ang pag-uusap ay may kinalaman sa isang na namang kudeta sa liderato ng Senado, sinabi ni Cayetano, “Expect that. I mean magulat tayo kung wala, di ba?”.
“Sila ang nagyaya makipag-usap. Pero, yun nga, yung… kaya kami hindi nakipag-usap last week kasi minsan may kasamang pananakot,” paliwanag ng lider-mambabatas.
Kumbinsido naman si Cayetano na nagkakaisa pa rin ang 13 miyembro ng majority bloc Senado.
Araw ng Lunes nang patalsikin sa pwesto bilang Senate President si Vicente Sotto III.
