MATAPOS isumite ng Kamara sa Senado ang Articles of Impeachment para sa paglilitis ni Vice President Sara Duterte, tiniyak ni Senate President Alan Peter Cayetano ang pagko-convene ng impeachment court sa Mayo 18.
“Sa Monday, nasa order of business ‘yon. Ibibigay sa rules like any other. ‘Yung majority leader, acting majority leader, kanyang ipe-present. The likely scenario is we will organize muna the Senate so may mga committees, take that up. From the majority side,” wika ni Cayetano sa isang pulong-balitaan.
Para sa bagong lider ng senado, walang dahilan para maantala ang proseso lalo pa’t hindi na aamyendahan ang nakalatag na Senate impeachment court rules, batay na rin sa consensus ng mayorya.
Garantiya ni Cayetano, isusulong ang impeachment trial “forthwith,” at anuman aniyang pagkaantala ay hindi magmumula sa mayorya.
“That’s why sa letter, I just want it to be safe, sinabi ko dun on Monday or the soonest time or forthwith. If everyone agrees to the rule, I do not see any reason why hindi kami makapag-convene sa Monday,” dagdag niya.
Paliwanag ng Senate President, sa oras na magkaroon ng motion to convene, siya ang mauunang manumpa bilang presiding officer ng impeachment court, kasunod ang 23 senador.
Agad din aniyang maglalabas ng mga summon para sa agarang pag-arangkada ng pagdinig.
