KUNG pagbabatayan ang departure record na nakalap sa iba’t ibang paliparan sa bansa, nasa loob pa ng bansa si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, ayon sa Bureau of Immigration.
Sa isang panayam kay Dana Sandoval na tumatayong tagapagsalita ng kawanihan, wala umanong rekord na umalis ng bansa ang senador na target ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kinakaharap na kasong crimes against humanity.
“No recent travel po,” ani Sandoval.
Gayunpaman, walang katiyakan aniya kung lumipad ang senador patungo sa ibang bahagi ng bansa dahil wala naman umanong access ang BI sa mga domestic flights.
Una nang napaulat na namataan sa airport si Senador Robin Padilla na kasama ni Dela Rosa nang lisanin ang Senado dakong alas 2:30 ng madaling araw ng Mayo 14.
