NAGPAHAYAG ng pagnanais ang mga beteranong abogado at law firms na mapabilang sa lupon ng tagausig sa kasong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
Pag-amin ni House lead impeachment prosecutor at Committee on Justice chairperson Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, dagsa ang nais maging bahagi ng kasaysayan.
Gayunpaman, nilinaw ni Luistro na meron na umanong ‘shortlist’ ng mga abogadong napipisil tumulong bilang private partners.
“Napakahirap talagang mamili sapagkat lahat ng nagpapahayag ng kanilang tulong sa public prosecutors ay talagang mga batikan at magagaling na trial lawyers,” wika ni Luistro sa panayam ng Kongreso Ngayon @ Your Service program nina Manila Rep. Bienvenido Abante at veteran broadcaster Ed Sarto sa DZME 1530 Radyo TV.
“Meron na kaming napiling ilan subalit hindi pa kami tapos sapagkat napakarami pa na dapat naming makonsidera. But of course, our intention is to come up only with reasonable number of private prosecutors,” dugtong ni Luistro.
Ayon sa lider ng 11-member House prosecution panel, may batayan sa pagkuha ng legal counsel mula sa pribadong sektor, kabilang ang litigation background, familiarity sa mga sumbong laban sa bise presidente at katiyakan makadadalo sa kabuuan ng impeachment proceedings.
Muling iginiit ni Luistro na ang kaabang-abang na Senate impeachment trial ay isang proseso na hindi lamang sa pagsusulong ng malawak na panawagan na pagkakaroon ng pananagutan sa bawat government officials, bagkus magsilbing pagkakataon para kay Duterte na ipagtanggol ang sarili.
“That is why it works both ways itong impeachment trial na ito… If indeed wala naman ebidensya na magko-convict sa vice president, ito din ay para sa kanya upang ma-dismiss na kaagad itong Articles of Impeachment na ito at malinis ang kanyang pangalan,’ ani Luistro.
Sa Articles of Impeachment na ipinasa ng Kamara sa Senado, nilalaman ang paratang sa maling paggastos ng confidential funds, pagkamal na hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol sa ilang ranking officials ng Education department at tahasang pagbabanta sa bahay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at former Speaker Martin Romualdez.
Dagdag ni Luistro, ang impeachment process ay magbibigay ng ibayong pagkakataon kapwa sa prosekusyon at depensa na maiprisinta ang kani-kanilang mga ebidensya at testigo sa harap ng Senate impeachment court, na matutunghayan ng publiko.
“As a matter of fact, the entire impeachment process must be understood and must be clear to the sovereign Filipino people, most especially the people from the grassroots sapagkat sila ang totoong may kapangyarihan nito,” paliwanag ng kongresista.
“Itong impeachment process na ito, this is a power that was given to the sovereign Filipino people through their representatives who are the members of the House. Tayo ang maglalatag ng ebidensya at magpapatotoo tungkol sa mga alegasyon laban sa VP,” paglalahad pa ni Luistro.
Aniya, mahalagang maintindihan ng mga ordinaryong mamamayan ang impeachment process dahil ang kataas-taasang kapangyarihan ay nasa tao.
“If indeed the intention of the framers of the Constitutions is to make it purely legal, sana binigay na lang sa judiciary, pero hindi… ibinigay ito sa lehislatura and in our case we are the representatives of the people because the intention really is to make it liberal so as to ferret out the truth.”
