GANAP nang pinagtibay ng Kamara ang panukalang batas na naglalayong i-abswelto ang mga maralita sa gastusing kalakip ng pagkuha ng licensure examination na pinangangasiwaan ng Professional Regulatory Commission (PRC) at Civil Service Commission (CSC)
Sa botong 266 pabor at isang abstention, pinal na inaprubahan sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 8869 (Free Professional Examinations Act) na magkatuwang na isinulong ni House Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Sandro Marcos.
Ayon kay Marcos, isang matibay na hakbang ang HB 8869 sa pagbubukas ng oportunidad upang makamit ng mga mahihirap at iba pang kabilang sa marginalized Filipinos ang pangarap na professional career.
Ito’y sa dahilang magiging libre na para sa qualified indigents at mga miyembro ng indigenous peoples at indigenous cultural communities ang pagkuha ng professional at civil service examinations.
Paliwanag ng House majority leader, itinataguyod ng HB 8869 alisin ang malaking balakid para maging licensed professionals o pumasok sa government service – ang pag-aalis sa bayarin para sa PRC at CSC examination.
“Marami tayong kababayan na matalino, masipag at may pangarap, pero hindi man lang makapag-exam dahil kapos sa pera. Hindi dapat pera ang maging hadlang para makapagtrabaho at umasenso ang isang Pilipino,” wika ni Marcos.
Nakapaloob sa HB 8869 ang pag-aatas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), PRC, CSC at sa pakikipagtulungan sa Philippine Information Agency (PIA) na magsagawa ng annual information at education campaign para sa kaalaman ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Aniya, ang pagpapatibay ng HB 8859 ay patunay na sa ilalim ng liderato ni Dy, agarang tinutupad ang pangako ng Kamara na maging mas accessible sa mga ordinaryong Pilipino ang edukasyon, trabaho at professional advancement.
“Kapag nabigyan natin ng pagkakataon ang mas maraming Pilipino na maging propesyonal, mas marami rin tayong pamilyang matutulungan makaahon sa hirap. Investment ito sa tao, sa trabaho, at sa kinabukasan ng bansa,” dagdag pa niya.
“This measure is about giving every qualified Filipino a fair chance to become a professional, secure better employment, and uplift their families through education and hard work.”
