SA dami ng mga kasong kalakip ng mga nabistong bulilyaso, unti-unti nang natitibag ang angas ng pamilyang Duterte bunsod ng pagdistansya ng mga kilalang kaalyado sa larangan ng pulitika.
Ayon kay political analyst Professor Cleve Arguelles, nakaamba ang pagbagsak ng mga Duterte dahil sa kinakaharap kaso ni former President Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Dagdag pa ani Arguelles sa nagpapahina sa impluwensya ng pamilya ang napipintong pag-arangkada ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
“I think ang clear po ay nababasag yung imahe ng katapangan ng buong Duterte family and their allies,” bulalas pa ni Arguelles na tumatayong pangulo ng WR Numero Research.
Pag-amin ni Arguelles, walang kinatatakutan, agresibo at hindi kayang banggain ang mga Duterte sa ilalim ng nagdaang administrasyon.
“Magsuntukan tayo, ipapapatay kita, you face me, magharap tayo,” sabi ni Arguelles na siyang political style umano ng mga Duterte.
Subalit ngayon, kumbinsido si Arguelles na natitibag na ang angas ng pamilya Duterte. Katunayan aniya, marami na ang naglalakas loob pumuna sa naturang pamilya.
“Ngayon yung difference ay nakikita kasi pag humahamon sila, may mga sumasagot sa hamon, hindi pala nila mapaninindigan yung hamon,” dugtong ni Arguelles.
Inihalimbawa ng political analyst ang pagtanggi ni VP Sara humarap sa Kamara para sagutin ang mga reklamo, gayundin ang pagtatago ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos na idawit sa ICC case ng dati niyang amo.
“Si Vice President Sara hindi masyadong humaharap doon sa mga alegasyon. Hindi naman sila, never naman sila nag-participate doon sa House proceedings. And then you have of course the allies, the key allies, Senator Bato dela Rosa, tumatakbo po sa kanyang arrest warrant. You also have the former spokesperson, Secretary Harry Roque, also a fugitive,” paglalahad ni Arguelles.
“At si former President Rodrigo Duterte naman sa ICC niya, hindi pa humaharap. Never pa rin nag-allow yung defense team niya doon na mag-participate siya in person doon sa ongoing trial niya,” dugtong niya.
Sa pinapakitang asal ng mga Duterte, marami na ang kumbinsidong hindi naman pala “politically-untouchable” ang mga Duterte, at mga kaalyado.
“So makakaapekto yun sa kanilang image na sila ay hindi matitibag.”
Sa kaugnay na balita, ibinahagi ni Arguelles ang pinakahuling resulta ng WR Numero survey hinggil sa nalalapit na impeachment trial sa senado.
“Between 70 percent, if you look at OCTA, for WR Numero, 80. So, between 7 to 8 out of 10 Filipinos demanding that the impeachment trial should happen,” pag-uulat niya.
“This is across classes, whether the poorest or the richest among us. This is also across different age groups, so young and old, but most importantly, across regions as well,” paliwanag ni Arguelles sa resulta ng kanilang pananaliksik.
Ang mas nakagugulat umano ay maging sa Mindanao, 61 percent, o anim sa bawat mamamayang ng rehiyon, ang sang-ayon na sumalang sa impeachment trial ang bise presidente.
Isinagawa ang survey bago pa lumabas sa isinagawang pagdinig ng House Justice Committee ang mga ebidensya laban kay VP Sara.
