KUMBINSIDO ang isang political analyst na mababago pananaw ng mga mamamayan sa napipintong pagtakbo ni Vice President Sara Duterte sa 2028, anuman ang maging resulta sa isasagawang impeachment trial sa pangalawang pangulo.
Bukod kay Sara, nakasalalay din sa paninindigan ng mga senador at mga kongresista ang kani-kanilang kapalaran sa pulitika.
“Malaki magiging epekto ng impeachment trial. There’s a lot of uncertainties but definitely lahat po ng participants, from the VP herself to her allies of the VP …lahat po yan magkakaroon ng panibagong public perception yung mga kababayan natin,” wika ni WR Numero president at political scientist Prof. Cleve Arguelles.
“Doon naman sa ibang players, I think we have a good understanding na for both the House prosecutors and the Senator-Judges kung paano po nila ipe-perform ‘yung role nila sa impeachment court ay may effect po sa kanilang popularity and public support para sa kanila,” paliwanag niya.
Ayon Arguelles, ang mga nakaraang impeachment trials ay patunay na binibigyang-pansin at inaalala ng mga botante ang naging partisipasyon ng bawat senator-judges sa pagdinig.
“So halimbawa meron po tayong mga nakakitaan in the previous impeachment trials na mga senador na talagang nagpakita na kakampi lang sila doon sa kanilang kaalyado kahit pa yung ebidensya ay pagtakpan, halimbawa doon sa impeachment trial ni President Estrada,” aniya.
“May mga nanganib sa sumunod na eleksyon dahil po doon sa hindi nagustuhan ng publiko yung kanilang performance bilang senator-judges,” dagdag ni Arguelles.
Posible rin aniyang tumaas ang public perception at paghanga sa mga mambabatas na naging mahusay sa impeachment trials, kabilang ang mga naglatag ng ebidensya at napabilib niya ang marami.
“Meron din naman House Prosecutors na nagkaroon ng national profile, national public support dahil doon sa kanilang performance,” saad pa ni Arguelles.
