WALANG plano manghimasok ang lupon ng tagausig ng Kamara sa umano’y nakaambang pagbabago sa liderato ng senado.
Ayon kay Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong na tumatayong tagapagsalita ng House prosecution panel, kinikilala ng Kamara ang tradisyon ng pagbibigay respeto at kortesiya sa co-equal branch institution.
Garantiya ni Adiong, hindi makaaapekto sa paghahanda ng 11-man House prosecution panel ang anumang pagbabago sa senado — kung meron man.
Determinado rin aniya ang House prosecutors mailatag lahat ng hawak na ebidensya at testigo sa impeachment trial sa gitna patuloy na usapin ng Senate leadership change.
“Sa atin naman, ang ninanais ng House prosecution panel ay mailahad po nila lahat po ng ebidensya at yung possible na magiging witnesses na naaayon doon sa articles of impeachment na nakalahad diyan sa complaint na ‘yan,” wika ni Adiong sa panayam ng Super Radyo DZBB program nina Isa Avendaño-Umali at Nimfa Ravelo.
“Ang amin po ay kung ano man ang magiging kabuuan ng Senado, regarding leadership ay hindi po ito substantially kinokonsidera namin dahil ang sa amin po, ang paninindigan po namin yung mga ebidensya na pwede po namin i-presenta,” dugtong ng Mindanaoan solon.
“So we leave it to the Senate, kasi ito po ay internal po sa kanila at kung ano po ang magiging desisyon po nila, sa atin naman po ay nirerespeto natin,” dagdag ng kongresista.
Sinabi rin ni Adiong na hindi naman dapat madaliin, pero hindi rin dapat maantala ang impeachment proceedings dahil ang nasasakdal at ang taumbayan ay may karapatan sa isang wasto at napapanahong paglilitis.
“Inaasahan po natin, syempre, ayaw din natin madaliin kasi unang una, ang taong-bayan din ay gustong malaman kung ano ‘yung mga ebidensya na mailalahad ng ating House prosecution panel,” sambit ng ranking House official.
“At the same time hindi naman natin gusto na magkaroon ng delay. Kasi unang una, magiging violation na rin ‘yun ng karapatan ng defendant-respondent na ma-subject siya for undue delay of the judgment of the court,” dagdag niya.
Ani Adiong, sa pangkalahatan ay inaasam ng prosecution panel na direkta at personal na mahimay ng senator-judges ang mga ebidensya at testimonya para siyang maging batayan ng mga ito sa pagbibigay ng hatol.
Aniya, masidhing layunin din ng prosecution panel na maging malinaw sa publiko na walang sinumang opisyal ng gobyerno ang ligtas sa pagkakaroon ng pananagutan o accountability sa posisyong ipinagkatiwala sa kanya.
“Hindi porke tayo ay nailahal sa mataas na posisyon ay hindi nangangahulugan na hindi na tayo pwede abutin ng accountability mechanism ng ating Konstitusyon.”
Samantala, mahigpit na pinabulalan ni House Assistant Minority Leader at Kabataan partylist Rep. Renee Co, na isa rin sa itinalagang prosecution panel spokesperson, na walang kaugnayan ang committee changes sa Kamara sa impeachment vote laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng Todo Balita sa Hapon program ni Geli Mendez sa DWIZ, nilinaw ni Co na internal adjustments lang sa committee memberships at leadership assignments ang nangyari — at hindi tamang bahiran ng malisya at pagdududa.
Para malinawan naturang kaganapan, hinamon si Co ang mga ‘tamang-duda’ na dumirekta sa mga mambabatas na kasama sa mga binalasa.
“Mayroon pong iilang nagkaroon ng pagbabago sa membership ng kanilang committees at may ilang nakita tayo na-assign in leadership, mas yun pa ang nangyari, hindi po ito connected sa doon pagboto o hindi sa particular na issue,” pahayag ni Co.
“Siguro mas magandang tanungin mismo ang mga kongresistang involved,” dugtong niya.
