Photo Credit: Rappler
PARA kay Tingog partylist Rep. Jude Acidre, malinaw na ang intensyon sa pagbuhay ng pagdinig sa flood control scandal ng senate blue ribbon committee — ilayo ang atensyon ng publiko sa inaabangang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang kalatas, inilarawan din ni Acide bilang “dangerous and transparent attempt” ang pagbuhay sa naturang blue ribbon investigation para isabotahe, iligaw at dungisan ang impeachment trial sa bise presidente.
“Napakalinaw ng pangyayari, habang papalapit ang impeachment trial biglang may pagmamadali na buhayin ang mga Senate hearings na ang malinaw na epekto ay ilihis ang atensyon ng publiko mula sa impeachment proceedings laban sa Bise Presidente,” wika ng mambabatas.
“Hindi tuloy maiwasan ng taumbayan na isipin na may koordinadong political demolition job laban sa House prosecutors at sa institusyong nagsampa ng impeachment complaint,” dugtong ni Acidre.
Giit ng Tingog partylist solon, karapatan ng taumbayan malaman kung ang biglaang pagpapalit sa liderato ng Kamara ay para mabalam ang pagsusulong ng the impeachment process at baguhin ang political narrative bago pa ang pormal na pagdinig.
“The sequence of events is deeply disturbing. Una, nagkaroon ng biglaang pagbabago sa liderato ng Senado. Sunod, may agarang pagtutok sa Blue Ribbon hearings. At ngayon, tila inuuna pa ang media spectacle kaysa constitutional duty na dinggin ang impeachment case,” ani Acidre.
Paalala ng mambabatas, walang sinumang public official ang maaaring makaligtas sa anumang imbestigasyon, kasama na ang mga miyembro ng Kamara, subalit nilinaw niya na hindi naman ito dapat gamitin para idiin ang partikular na opisyal o impluwensyahan ang proseso.
“Walang problema sa imbestigasyon kung patas, objective, at hindi politically timed. Pero kung ang layunin ay pahinain ang kredibilidad ng House prosecutors bago pa man magsimula ang paglilitis, ibang usapan na iyon,” pagbibigay-diin pa ni Acidre.
“The Senate impeachment court is not supposed to be converted into a political war room. Ang mandato ng Senado sa impeachment ay maging patas na hukuman, hindi campaign headquarters ng kahit sinong political faction,” dagdag niya.
Sa kabila naman ng mga pagmamanipula na ito, tiniyak ni Acidre na nananatiling nakatutok at determinado ang House prosecution team na sumalang sa impeachment trial para maiprisinta ang lahat ng ebidensya at testigong magpapakita na matibay ang inihaing reklamo laban sa bise-presidente.
“Hindi kami matitinag ng demolition politics. The House acted on overwhelming evidence, overwhelming votes, and overwhelming constitutional mandate. Hindi ito away-pulitika lamang. Usapin ito ng accountability at pananagutan sa taumbayan.”
“Sa huli, ang pinakamahalagang tanong ay simple lang: Hahayaan ba nating malunod sa political noise ang isang constitutional process na napakahalaga sa demokrasya?”
