ILANG araw bago tuluyang matapos ang “non-extendible period’ na ibinigay ng Senate impeachment court kay Vice President Sara Duterte, umaasa si Deputy Speaker Paolo Ortega V na sagot sa mga reklamo ang isusumite ng pangalawang pangulo — at hindi ang paghahain ng motion to dismiss.
“We are hoping to receive an answer, not a motion to dismiss,” mariing sabi ni Ortega, na isa sa endorsers ng impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Ginawa ng La Union lawmaker ang pahayag bilang reaksyon sa nalalapit na pagtatapos ng 10-calendar-day non-extendible period na itinakda ng Senado, na papatak sa darating na araw ng Lunes, para tumugon sa writ of summon.
Hindi naman itinanggi ni Ortega ang pagkabahala sa posibilidad na muling maantala ang proseso sakaling maghain ng motion to dismiss ang nasasakdal — kung hindi man kahilingan sa Senate impeachment court na hintayin muna ang Supreme Court (SC) ruling sa inihaing petisyon naglalayon pigilan ang pag-usad ng impeachment proceedings.
“It will just be a waste of time. We do not think the Senate impeachment court, which has so far acted forthwith on the impeachment case, will allow it,” dagdag ni Ortega.
Panawagan ng ranking House official sa bise presidente, tuparin ang ipinangangalandakan na haharapin lamang niya ang lahat ng mga kinakaharap na akusasyon sa Senate trial.
“She consistently refused to show up in the House impeachment proceedings. She waited for more than a year since last year’s impeachment process for her trial to take place and to present her answer. She should seize this opportunity so the people can finally hear from her,” diga pa ni Ortega.
