TULUYAN nang pinagtibay ng Kamara ang panukalang batas na naglalayong palawigin sa limang taon ang bisa ng lisensya ng mga propesyonal sa bansa.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni House Speaker Faustino Dy III ang pag-apruba ng House Bill 8876, na sumasaklaw sa mga lisensya at professional Identification Cards na mula sa Professional Regulation Commission.
Ayon kay Speaker Dy, nasa mahigit sa 1.2 milyong Filipino professionals ang makikinabang sa nasabing House-approved measure, na nagbibigay pagkilala at pagpapahalaga sa malaking kontribusyon ng mga propesyonal sa kaunlaran ng bansa.
“Ang ating mga propesyonal ay kabilang sa pinakamahalagang puwersa ng ating lipunan. Sila ang mga guro, nurse, engineer, accountant, doktor, at iba pang propesyonal na araw-araw na nagsisilbi at tumutulong sa pagpapatakbo ng ating bayan,” wika ng lider ng Kamara.
“Sa pagpapalawig ng validity ng kanilang PRC licenses mula tatlong taon tungong limang taon, mababawasan ang paulit-ulit na gastos, abala, at oras na inuubos nila sa renewal process. Practical at makataong hakbang ito para suportahan ang ating workforce,” dugtong ni Dy.
Base sa datos ng PRC, sa kasalukuyan ay nasa 1,259,264 ang registered professionals sa bansa kung saan 1,195,936 o katumbas ng 95% ang may kapit na valid Professional Identification Cards.
Kabilang sa mga sector na makikinabang sa HB 8879, na pangunahing iniakda nina Speaker Dy at Majority Leader Sandro Marcos ang 562,369 professional teachers; 156,023 nurses; 111,692 criminologists; 49,458 civil engineers; 37,393 medical technologists; 24,700 physicians; 24,066 psychometricians; 22,677 mechanical engineers; 21,110 registered electrical engineers; at 20,529 certified public accountants.
Sinabi ni Speaker Dy na ang extension sa validity period ay makakatulong din upang maibsan ang pagdagsa ng mga mag rerenew ng PIC at mas mahabang panahon ang mga propesyonal na tutukan ang kanilang trabaho sa halip na mag-alala sa kanilang license renewal.
“Hindi dapat maging dagdag pasanin ang proseso ng renewal lalo na para sa mga propesyunal na abala na sa pagtatrabaho at paglilingkod. We want government processes to become more efficient, more responsive, and more considerate of the realities faced by ordinary Filipinos,” diin ng House Speaker mula sa Isabela.
Nangako naman si Speaker Dy na mananatiling nakatutok ang Kamara sa pagbibigay-pansin sa kapakanan at pagpapabuti sa estado ng lahat sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga panukalang batas na may kinalaman sa pagpapahusay ng proseso sa pagnenegosyo, gawing mas episyente at simple ang mga transaksyon sa gobyerno at pagbibigay suporta sa mga Filipino worker and professional.
“Nakatuon po tayo sa ating hangarin na gawing mas magaan ang buhay ng ating mga kababayan habang pinananatili ang professionalism at mataas na standards sa iba’t ibang larangan.”
