HINDI dapat maapektuhan ang kabuhayan ng mga local tobacco planters, giit ng isang kongresista, kasabay ng panawagan para paigtingin ng pamahalaan ang kampanya laban sa pagpasok at pagbebenta ng illegal tobacco products sa bansa.
Bukod sa mga local tobacco planters, nanindigan din si Abra lone district Rep. JB Bernos laban sa tinawag niyang “pananabotahe” sa nawawalang kita ng pamahalaan sa buwis na hindi nakokolekta mula sa mga naturang produkto.
“Dahil sa naglipanang illegal tobacco products, napipilayan ang pamahalaan at naaapektuhan ang kakayahan nitong maglingkod sa ating mga kababayan, lalo na ngayong nasa gitna tayo ng krisis,” wika ni Bernos.
“At a time when the government needs every centavo it can get to fund social services and other sectors, a stronger anti-smuggling drive would greatly help in ensuring the government and the people get their due from these products,” dugtong ng mambabatas.
Ginawa ng Abra lawmaker ang panawagan kasunod ng ulat na umabot na sa P141 billion ang nawawala sa government revenue dahil sa illicit tobacco trade mula taong 2024 hanggang 2025.
Dagdag pa sa report ng EU-ASEAN Business Council (EU-ABC) at Euromonitor International Ltd., ang Pilipinas ang siyang nakapagtala ng third-highest revenue loss mula sa anim na Southeast Asian countries, kung saan una ang Indonesia, na sinundan ng Malaysia.
Sinabi rin sa naturang ulat na aabot sa 85.6% ng e-vapes products na naibenta sa bansa ay pawang illicit products, habang ang illicit cigarettes naman ay nasa 25.3% ng local market, mas mataas sa ASEAN-6 average na 16.1%.
Panawagan ni Bernos sa mga law enforcement agencies, Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), at maging ang mga local government units, sabayang pagkilos para labanan ang pamamayagpag ng mga illicit tobacco products.
Hinikayat din ng Abra congressman ang BOC mas paigtingin pa ang operasyon kontra smuggling sa bansa.
Mungkahi ni Bernos, mas mahigpit na regional coordination sa hanay ng ASEAN members para palakasin ang monitoring at law enforcement sa bawat borders at mamuhunan sa makabagong teknolohiya para sa mas mahusay na digital track-and-trace systems.
“Our fight against illicit tobacco is not only for farmers and legitimate traders who are being displaced, but for the entire nation. Simply put, more revenue means more services.”
