MALAKI ang papel na gagampanan ng mga mamamayan sa inaasahang pag-usad ng mga pagdinig laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang giit ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong, kasabay ng paghahayag ng suporta sa inilunsad ng Bantay-Senado, isang citizens watchdog na nangakong tututukan ang prosesong nakasaad sa 1987 Constitution.
“We welcome this initiative because citizens have an important role to play in ensuring transparency and accountability throughout the impeachment process,” ang sabi pa ni Alonto Adiong.
“The impeachment trial is not only about the prosecution, the defense, or the senator-judges. It is a constitutional process being undertaken in the name of the Filipino people,” paliwanag ng Mindanaoan solon.
Sa isang pagtitipon, pormal na inilunsad ang Bantay Senado, isang non-partisan coalition ng mga estudyante, akademista, abogado, civil society groups at concerned citizens, na ginanap sa De La Salle University Manila.
Pahayag ng grupo, masusi nilang susubaybayan ang impeachment proceedings at tutulong upang matiyak na ang paglilitis ay isasagawa batay sa itinataguyod ng Saligang Batas, gayundin ang pagiging bukas at patas.
Giit ng mga organizer ng Bantay Senado, wala silang papanigan sa impeachment proceedings, hatulan man guilty o abswelto dahil ang pangunahing layunin nila ay isulong ang public oversight at maunawaag mabuti ng lahat ang nasabing proseso.
Ayon kay Alonto Adiong, katanggap-tanggap ang naturang inisyatiba ngayong panahon ang bansa ay naghahanda sa inaabangang constitutional proceedings.
“Napakahalaga ng papel ng mamamayan ngayon dahil hindi lang ito laban ng ebidensya sa loob ng impeachment court. Ito rin ay laban para sa katotohanan sa gitna ng napakaraming misinformation at disinformation,” saad pa ng Lanao del Sur lawmaker.
Muling pinaalala ni Alonto Adiong na may coordinated disinformation upang guluhin ang isipan ng mamamayan at mapahina ang tiwala o kumpiyansa nito sa democratic institutions.
“Ang pinakamahalaga ay manatiling nakatuon ang taumbayan sa mga ebidensya, sa mga katotohanan, at sa proseso na itinatadhana ng Konstitusyon. At the end of the day, transparency strengthens trust. The more Filipinos understand and follow the process, the stronger our democratic institutions become.”
