ANG bawat segundo mahalaga sa para iligtas ang buhay ng mga taong nasa balag ng kamatayan, ayon kay House Speaker Faustino Dy kasabay ng paghahayag ng suporta sa panukalang batas na nagtutulak sa pagtataguyod ng medical emergency hotline tulad ng 911.
Para kay Dy, napapanahon nang pagtibayin ng kongreso ang consolidated bill na halaw sa House Bills Nos. 673, 2672, 3145, 3973, 4139, 5456, 5643, 7925 at 8417, na pawang nagsusulong ng isang institutionalize emergency medical services system sa national, regional at local levels.
Ayon kay Dy, ang pagkakaroon ng isang sistemang katulad ng ng 911 emergency hotline sa Estados Unidos ay makakapagligtas sa buhay ng mga Pilipinong kailangan ng agarang tugon sa tuwing may aksidente o nakamamatay na karamdaman.
Bagamat pamilyar aniya ang mga Pinoy sa 911 hotline, higit na angkop na “kapag may tumawag sa 911, may maasahang mabilis, maayos at de-kalidad na pagtugon.”
“Iyan ang nais tiyakin ng panukalang ito,” wika ng lider ng Kamara.
Gayundin, ang pagtatatag ng national standards para sa emergency medical services, accreditation ng institutions, training ng personnel, emergency dispatch systems, at ang regulasyon ng emergency medical vehicles.
Tiwala si Speaker Dy na sa bisa ng naturang panukala, masosolusyunan ang pagkukulang sa emergency response capabilities ng bansa at matiyak na ang mga Pilipino ay magkakaroon ng kagyat na tulong medikal saan mang panig ng bansa.
“Kapag may aksidente, biglaang atake sa puso, stroke, o anumang medical emergency, bawat minuto ay mahalaga. Ang buhay ng isang tao ay hindi dapat nakasalalay sa lokasyon ng kanyang tirahan o kung gaano kabilis makakontak ng ambulansya. Mahalagang magkaroon tayo ng isang maayos, integrated, at standardized emergency medical services system sa buong bansa,” ani Dy.
Dagdag pa niya, “sa oras ng sakuna o medical emergency, kailangan natin ng malinaw na mga hakbang, iisang pamantayan, mabilis na koordinasyon, at agarang tugon upang mapanatag ang kalooban ng ating mga kababayan at mas maraming buhay ang maliligtas. Ito ang layunin ng panukalang batas na ito.”
Samantala, nagpahayag ng pagkalugod ang Department of Health (DOH). Ayon kay Dr. Albert Francis Domingo, “mahalagang mapalakas ang pre-hospital emergency care, emergency transport dispatch systems at inter-facility referral systems upang mapabuti ang patient outcomes, mabawasan at maiwasan ang kamatayan at matiyak ang agarang access sa life-saving interventions lalo na doon sa ating unserved and underserved areas.”
Giit din ng Health department official, kailangan magkaroon ng national standards upang ang pagbibigay ng emergency medical services ay hindi lamang para sa ilang lokal na pamahalaan na may kakayahang i-mantine ito kundi sa lahat ng komunidad sa bansa.
