BACARRA, Ilocos Norte – Walang lugar sa Philippine National Police (PNP) ang mga inutil na regional police directors.
Ito ang buod ng mensahe ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr., kasabay ng panawagan sa mga kabaro para paigtingin ang kampanya ng pamahalaan laban sa kalakalan ng droga.
Ani Acorda, personal niyang tututukan ang mga datos na kalakip ng operasyon kontra droga mula sa 17 PNP regional police offices sa hangaring timbangin ang kakayahan ng mga regional directors.
Sa kanyang pagbisita sa sinilangang bayan, binigyan diin ni Acorda sa kaniyang kauna-unahang command conference sa mga PNP Regional Directors ang kampanya kontra sa iligal na droga.
Ayon kay Acorda, hahanapan niya ng accomplishment ang lahat ng RD laban sa illegal drugs para sa walang puknat na pagpuksa ng mga sindikato sa likod ng ilegal na bentahan ng ipinagbabawal na gamot.
Bukod sa aktibong pagtugis, inatasan rin ng PNP chief ang kapulisan na tiyakin wasto ang proseso sa mga anti-illegal drug operation para iwas-kontrobersiya at ang pagsusumite ng matibay na ebidensya para masigurong makukulong ang mga sangkot sa bentahan ng droga.
“Sundin lamang ang motto ng PNP na To Serve and Protect para hindi tayo maligaw,” pagtatapos ng PNP chief.
