
TALIWAS sa deklarasyon ng World Health Organization (WHO), patuloy ang paglobo ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19, batay sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH).
Sa DOH Case Bulletin, pumalo sa 12,414 bagong kaso ang naitala ng departamento mula Mayo 8 hanggang 14 – mas mataas ng 31% kumpara sa naitala mula Mayo 1-7.
Sa pagtataya ng kagawaran, lumalabas na 1,773 kumpirmadong kaso ng mga positibo sa nakamamatay na karamdaman ang naitatala kada araw.
Sa naturang bilang 50 ang pasok sa kategorya ng severe at critical cases.
Wala naman anilang naitalang namatay sa nakalipas na linggo.
Sa kabuuan, mayroong 15,891 aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas nitong Mayo 14.
Sa healthcare utilization, nasa 437 ang nakaratay sa severe at critical admissions na 8.8% ng kabuuang hospital admissions sa buong bansa.
Nasa 18.8% o 394 sa 2,093 ICU beds ang okupado, habang 21.7% o 3,791 sa 17,454 non-ICU beds ang ginagamit ng ibang pasyente.