KUMBINSIDO ang lupon ng mga tagausig mula sa Kamara na walang anumang hawak na ebidensyang pwedeng gamitin si Vice President Sara Duterte para depensahan ang sarili.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na tumatayong tagapagsalita ng House prosecution panel, ang kawalan ng depensa ang nagtulak sa pangulo na kumapit sa dismissal ng kaso bilang tugon sa kinakaharap na kaso.
Pag-amin ni Adiong, mahaba ang naging tugon ni Duterte sa Articles of Impeachment. Gayunpaman, isa lang ang hangad ng bise-presidente, ang tuluyang ibasura ang kaso para iwas-bulilyaso.
“To be honest with you, it’s quite voluminous yung mismong sagot nila. But gumawa naman din sila ng summary, executive summary ng kanilang mga sagot,” bungad na sabi ni Alonto Adiong sa panayam ng Memo ng Bilyonaryo News Channel.
“Kumbaga kung i-summarize mo, ang gusto lang talaga nila is ma-dismiss yung kaso. Wala sa Constitution na mayroong choice ang Senado na i-dismiss ang kaso,” dugtong niya.
Bunsod nito, sinabi ng Lanao del Sur lawmaker na isang manifestation lamang ang inihain ng House prosecution panel sa Senate impeachment court bilang tugon nito sa isinumite ng defense team ng bise presidente.
“Kaya ang House prosecution team nagbigay na lang ng manifestation. Dahil paano mo sagutin yung isang bagay na wala naman talagang sagutin,” paliwanag niya.
Ani Alonto Adiong, malinaw na nakasaad sa Saligang Batas — tungkulin ng Senate impeachment court ay magsagawa ng paglilitis “forthwith” kapag natanggap na ang Articles of Impeachment mula sa Kamara.
Batay sa naiprisintang mga ebidensya, tungkulin ng senado maglabas ng hatol — at hindi ibasura na lamang kaso batay sa kagustuhan ng akusado.
“Ang choice lang talaga doon is to have a full trial and then reach judgment whether to acquit or to convict. Mahirap mo kasing sagutin din ang isang bagay, ‘yung kanilang naging answer doon, na ang kinu-question nila is ‘yung entire process,” giit pa ng mambabatas.
Sinabi ni Alonto Adiong na ang posisyon din ng prosecution panel sa procedural at constitutional objections ng depensa ay hindi na bago at paulit-ulit nang ginamit kahit sa naunang House impeachment proceedings.
“Kung titignan mo ‘yung kanilang objection, it did not happen just now, it did not happen during the confirmation hearings of the Justice Committee. It already came out last year pa, and rehashed lang talaga siya,” ani Alonto Adiong.
Naniniwala rin ang Mindanaoan solon na ang hirit ng bise presidente na ipawalang-saysay na lamang ang Articles of Impeachment ay nagpapakita ng kahinaan na defense team na harapin o direktang sagutin ang mga ebidensya at testimonya laban sa pangalawang pangulo.
“Sa palagay ko, the reason why they wanted to dismiss the case, appealing or praying for the court to dismiss the case right away or outright dismissal, it’s because they don’t have anything to offer as a counter evidence to refute the allegations contained in the Articles of Impeachment.”
