MAS makakabuti para kay Vice President Sara Duterte kung personal siyang haharap sa pagdinig ng senado sa mga kinakaharap na kaso, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.
Para kay Castro, ang husgado ang tamang lugar para patunayan ng pangalawang pangulo na hindi totoo ang mga alegasyong nakapaloob sa articles of impeachment na isinumite ng House prosecution panel.
Ang pagharap aniya sa impeachment court ay pagkakataon ng bise presidente na direktang sagutin ang mga paratang ng mga isasalang na testigo sa pagdinig ng senado.
Paglilinaw ni Castro, may karapatan sa ilalim ng umiiral na batas ang mga akusado pasinungalingan ang mga paratang sa harap ng isang hukuman.
“Kung naniniwala ang mga abogado ni VP Sara na inosente ang akusado, mas mainam kung patutunayan mismo ng pangalawang pangulo sa loob ng bulwagan ng husgado.”
“Ang pagharap niya sa impeachment trial ang pinakamalinaw na paraan para ipakita niya sa publiko na wala talaga siyang itinatago,” pahabol ni Castro.
