NAALARMA ang lokal na pamahalaan ng Quezon City matapos makapagtala ng pagtaas sa bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa anim na distrito ng lungsod.
Sa datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QC-ESD), pumalo na sa 146 ang kumpirmadong tinamaan ng COVID-19 ngayong 2026.
Ayon sa QC-ESD, umabot na sa 84 COVID cases ang nanakumpirma mula Hunyo 11 hanggang Hulyo 1 — katumbas ng 265.22 percent increase sa loob lang ng tatlong linggo.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa District 4 (32.71%) habang nanguna naman ang Barangay Doña Imelda na may 11 kumpirmadong kaso. Kasunod naman ang barangay ng Culiat, Salvacion, Santa Teresita, Santo Cristo, Sauyo, Socorro at Tandang Sora na may tig-apat na kaso.
Sa antas ng edad, pinakamataas ang bilang ng kaso sa mga batang 14 na taong gulang pababa o 30% ng kabuuang kaso. Kasunod naman ang mga nasa edad 25 hanggang 29 at mga senior citizen na 60 taong gulang pataas.
Mas maraming naitalang kaso sa kababaihan (66 kaso) kumpara sa kalalakihan (41 kaso).
Sa isang pahayag, tiniyak ng lokal na pamahalaan ang patuloy na case monitoring at disease surveillance upang mabantayan ang sitwasyon at agad na matukoy ang mga posibleng clustering o pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Quezon City.
Payo ng QC-ESD sa mga residente, magsuot ng facemask kung may sintomas ng COVID-19 o respiratory infection at ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig — pero mas mainam anila kung pipirmi na lang muna sa bahay para hindi na makahawa.
