PERSONAL na binisita ni Senator Mark Villar ang Grade 8 na estudyanteng Las Piñas National High School matapos ang insidente ng pananaksak na kinasasangkutan ng mga kapwa menor-de-edad sa Barangay Elias Aldana, Las Pinas City.
“Personal kong binisita ang biktima upang kamustahin ang kanyang kalagayan at ipaabot ang tulong sa kanyang pamilya. Patuloy nating ipagdarasal ang kanyang agarang at ganap na paggaling,” wika ni Villar.
Para kay Villar, dapat magsilbing babala ang insidente para paigtingin pa ang pagkilos laban sa lumalalang karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataan sa buong Pilipinas.
Giit ng senador, ang bawat batang Pilipino ay may karapatang makapag-aral, lumaki, at mangarap sa isang ligtas at mapagkalingang kapaligiran.
“Hindi natin maaaring hayaan maging normal ang karahasan sa ating mga kabataan. Sama-sama nating wakasan ang kultura ng karahasan at palitan ito ng kultura ng pag-aaruga, paggalang, at malasakit,” dagdag niya.
Para kay Villar, hindi sapat ang paghihigpit lamang ng seguridad upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente. Aniya, kailangan ding palakasin ang mga programa sa mental health, guidance counseling, at youth intervention bilang tugon sa mga suliraning kinakaharap ng mga kabataan bago pa man humantong sa karahasan.
“Kailangan nating higit pang palakasin ang ating mga programa sa mental health, guidance counseling, at youth intervention. Hindi lamang natin dapat hintayin na may mangyaring trahedya bago tayo kumilos. Dapat nating gabayan ang ating mga kabataan, pakinggan ang kanilang mga pinagdadaanan, at bigyan sila ng sapat na suporta at mga oportunidad upang makaiwas sa landas ng karahasan,” ani Villar.
Muli ring nanawagan ang senador para sa agarang pagsasabatas ng akdang Students’ Guidance Counseling Act, na naglalayong palakasin ang mga school-based mental health program at palawakin ang access ng mga mag-aaral sa mga lisensyadong guidance counselor, psychologist, school social worker, at iba pang psychosocial support services sa mga paaralan sa buong bansa.
“Kapag pinagtibay natin ang suporta sa mental health at mas napaigting ang paggabay sa ating mga kabataan, mas mabibigyan natin sila ng pagkakataong makagawa ng mabuting desisyon at magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan. Responsibilidad nating lahat—mga magulang, guro, pamahalaan, at buong komunidad—na tiyaking ang bawat kabataan ay lumalaki sa isang ligtas, mapagkalinga, at may pag-asang kapaligiran,” pagtatapos ni Villar.
