PARA kay House Speaker Faustino Dy III, malaking bentahe sa isinusulong na digital transformation ang ‘GovNet’ na inilunsad kamakailan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa bayan ng Ilagan sa lalawigan ng Isabela.
Sa isang mensaheng ipinaabot ni Isabela provincial board member Manuel Faustino “King” Dy, binigyang halaga ng lider ng Kamara ang pag-arangkada ng GovNet para sa mas mabilis at sistemakong pagkakaloob ng tulong sa mga mamamayang Pilipino.
“Ang paglulunsad ng GovNet Ilagan ay hindi lamang po tungkol sa pagkakaroon ng internet o fiber optic cables. Ito po ay daan tungo sa mas mahusay na pamamahala—dahil kapag konektado ang ating mga ahensya, mas mabilis ang koordinasyon, mas epektibo ang serbisyo, at mas gumagaan ang buhay ng ating mga kababayan. Ito po ang tunay na layunin ng digital transformation,” saad ni Dy sa kanyang mensahe.
“Malinaw po na ang hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay hindi lamang ang pagtatayo ng mga kalsada at tulay. Naglalatag rin po tayo ng digital infrastructure upang makapag hatid ng mga serbisyong kapaki-pakinabang at mas maginhawang buhay para sa bawat Pilipino.”
Habang ang Build Better More program ng administrasyong Marcos ay pinag-uugnay ang mga komunidad sa pamamagitan ng physical infrastructure, ang mga inisyatibo naman aniya tulad ng National Broadband Program, ang eGovPH App, at GovNet ay nag kokonekta sa mga mamamayan direkta sa “government services through technology.”
“Ito po ang isa sa pinakamahalagang pamana ng administrasyong ito—ang pagbuo ng pundasyon para sa isang tunay na Digital Pilipinas. We are laying the groundwork for a digitally empowered nation.”
Binanggit naman niya ang naging papel ng Kamara sa pagsuporta sa digital transformation ng bansa sa pamamagitan ng landmark legislation, kabilang ang pag-apruba sa eBayad Bill, isa sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority measures.
“Our goal is to help build the foundations of a truly modern government—one where Bagong Pilipinas evolves into a Digital Pilipinas, where government services are faster, more transparent, and more accessible to every Filipino.”
