OVERDOSE ang sinisilip na dahilan sa likod ng pagpanaw ng isang grade 4 student na pinainom umano ng gamot na pampurga ng kanyang guro sa isang pampublikong paaralan sa Trece Martires City sa lalawigan ng Cavite.
Ayon kay Ruchie Galero, ina ng biktima, nakikipag-ugnayan na ang pamilya sa isang abogado para sa pagsasampa ng kaso laban sa hindi pinangalanang guro mula sa Hugo Perez Elementary School.
Kwento ng ginang, Hulyo 2 nang dumaing ang kanyang anak pag-uwi mula sa paaralan kung saan nagsuka umano ang biktima pagkatapos painumin ng gamot na pampurga ng guro.
Kinabukasan, dinala ang bata sa klinika na agad naman inirekomendang dalhin agad sa malaking pagamutan bunsod ng malalang kalagayan.
Pagdating sa ospital, kinumbulsyon ang bata hanggang sa tuluyan nang bawian ng buhay.
Sa death certificate ng bata, lumalabas na septic shock dahil sa central nervous system infection ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Hinala ng mga magulang ng biktima, overdose ang ikinasawi ng kanyang anak na isinailalim sa awtopsiya.
Nanawagan din ang ginang sa National Bureau of Investigation (NBI) na maglunsad ng bukod na pagsisiyasat sa pagkamatay ng biktima.
Samantala, inamin ng Department of Education (DepEd) na nagsagawa ang mga pampublikong paaralan ng deworming activity noong Hulyo 2 — sa pakikipag-ugnayan sa Trece Martires City Health Office.
Bukod sa anak ni Ginang Ruches Galero, nakaranas din umano ng pagsusuka ang ibang mag-aaral na pinainom ng pampurga sa naturang aktibidad.
