Photo Credit: Reddit.Com
HAYAGANG nanawagan sa Senate Impeachment Court ang isang kongresista na buklatin ang financial records ni Vice President Sara Duterte at kabiyak na si Atty. Mans Carpio.
Sa isang kalatas, hinamon din ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ang pangalawang pangulo na hayaan ang korte busisiin ang kanyang financial records, alinsunod sa hiling ng sambayanang Pilipino.
“Simple lang ang tanong ng ordinaryong Pilipino: Kung walang itinatago, bakit takot sa bank records,” wika ni Ortega.
Pag-amin ng mambabatas, nais ng prosekusyon ay mahatulan ang akusado batay sa ebidensya.
“What the prosecution is asking is for the Court to allow access to evidence that may help establish the truth. Whether those records ultimately support or weaken the allegations is a matter that should be determined through the judicial process—not prevented from the outset,” diin ng House Deputy Speaker.
“Hindi pa ito usapin ng guilt. Usapin pa lang ito kung dapat bang makita ng Impeachment Court ang mga dokumentong maaaring makatulong sa paghahanap ng katotohanan,” dagdag niya.
Tinuligsa rin ni Ortega ang giit ng depensa na wala namang mapatutunayan ang mga nabanggit na dokumento laban sa bise presidente.
“Kung ang argumento nila ay wala namang mapapatunayan ang mga bank records, AMLC reports, at tax records, bakit kailangan pigilan ang paglabas ng mga ito? Hayaan nating ang ebidensya mismo ang magsalita,” banat ni La Union solon.
“A subpoena is not a declaration of guilt. It is simply the Court exercising its authority to determine whether evidence relevant to the case should be produced,” dugtong ni Ortega.
“Ang impeachment ay hindi para protektahan ang mga dokumento. Ang impeachment ay para protektahan ang tiwala ng taumbayan sa mga opisyal ng gobyerno.”
Samantala, sinuportahan ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang giit ng prosekusyon — ang pagbusisi sa bank at tax records ni Duterte.
Ayon kay Alonto Adiong na tumatayong tagapagsalita ng House Prosecution panel, higit na angkop bigyan ng pagkakataon ang lupon ng tagausig iprisinta ang mga mahahalagang dokumento, testimonya at mga saksi, bilang katuparan sa mandato ng Senado na tumatayong impeachment court.
“Ito’y isa doon sa panawagan at pagrerespeto din sa mandato po ng Senado to try and decide an impeachment case. Dahil unang-una pa, mabibigyan po ang impeachment court ng lahat ng angulo… with all the complete evidence and the whole picture in order for them to appreciate and eventually to arrive into impartial and sound judgment,” ani Alonto Adiong.
Aniya, mas maitataguyod ng impeachment trial ang interes ng publiko kung ang lahat ng kaukulang ebidensya, testigo at salaysay ay mailalatag sa paglilitis.
“Mas maganda po para sa amin, ‘yung isang trial ay accessible ang lahat ng mga relevant na dokumento, testimonya at witnesses para ang korte ay mabigyan ng whole picture o lahat ng kinakailangang dokumento para ma-exercise nila ang kanilang trabaho at mag-render din ng mas appropriate at proper na resolusyon o judgment,” ani Alonto Adiong.
