SA gitna ng nakaambang panibagong oil price hike, inatasan ng Palasyo ang Department of Transportation (DOTr) na bantayan ang bawat galaw ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, partikular na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Secretary Giovanni Lopez na pag-aralan st balansehin ang sitwasyon.
“Siya po ay inaatasan na pag-aralan ang sitwasyon at kailangan na balansehin ang mga pangyayari dahil kapag tumaas ang presyo ng pamasahe, definitely tataas ang presyo ng ibang mga produkto,” paliwanag ni Castro.
Sakali aniyang umabot sa sukdulan, tiniyak ni Castro na may mga nakahandang ayuda ang gobyerno para sa transport sector sa kapag uminit muli ang tensyon sa pagitan ng Iran at Amerika.
Pinag-aaralan na rin umano ng pamahalaan ang hirit ng mga transport groups na nagsusulong ibalik ang pisong dagdag pamasahe na sinuspinde noong Marso.
