PARA sa House prosecution, ang pag-amin ni Vice President Sara Duterte sa kinontratang hitman na magtutumba kay President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at former Speaker Martin Romualdez, ay sapat na para mapatunayan ang kasong grave threats.
Ayon kay Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., legal spokesperson at counsel for the House prosecutors, hindi na hangad ng lupon ng tagausig tukuyin o iharap sa paglilitis ang assassin para mapatunayan totoo ang pagbabanta ni Duterte.
“Hindi naman po natin kailangan ng isang assassin na lumutang para patunayan na may threats po on the life of the President, the First Lady, and the former Speaker of the House. The mere fact that the respondent Vice President uttered these words, which was witnessed by a lot of people, ‘yun po ‘yung mismong pagbabanta,” wika ni Tolosa.
Ginawa ng private counsel ang pahayag sa tanong kung bakit wala pang natutukoy na indibidwal na kinausap ng nasasakdal para isagawa ang pagpatay.
“Hindi kailangan dumanak muna ng dugo, hindi kailangan merong bangkay bago mapatunayan na nangyari nga ito. Importante lang dito, tinitingnan lang, meron bang pagbabanta na meron kang gagawin na labag sa batas? At seryoso ba ito? At pinaniwalaan ba ito ng taong tinatakot mo?”
Ibinahagi rin ni Tolosa ang plano ng prosekusyon na gamitin ang mismong pahayag ng pag-amin ng bise presidente sa pag-contact ng assassin bilang direct evidence.
Dagdag niya, ang mas nakapagdiin sa bise presidente ay ang hindi man lamang pagtanggi na ginawa nito ang pagbabanta at sa halip ay muli pa nitong pinanindigan ang inutos niyang assassination.
“Three days after, mas kalmado na siya. Pero ano ho ginawa niya? Hindi niya binawi. Kinonfirm niya, she doubled down and tried to justify what she did by saying, revenge from the grave is not a criminal act. So meron bang assassin.”
