“TAMA na ang timpla. Kung dadagdagan mo pa ang rekado, baka mag-iba pa ‘yung lasa. So titigil na kami,” ayon sa isang kongresistang miyembro House prosecution panel.
Ayon kay Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor, nagpasya na ang lupon ng tagausig na tapusin na ang pagtalakay sa Article 4 ng impeachment case na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
“Dahil sa ngayon, kumpleto na at hindi na namin kailangan dagdagan pa. It’s unnecessary, it’s redundant, at ayaw din naming sabihin ng mga tao, paulit-ulit na lang,” dagdag ng Iloilo lawmaker.
“Mahirap nang magsawa ang mga tao at mawala ang kanilang attention kung nakuha na natin lahat ng dapat makuha,” sambit pa niya.
Ginawa ni Defensor ang pahayag bilang paliwanag na rin kung bakit kinansela ng prosekusyon ang pagsalang sa ilang naunang tinukoy nitong testigo nila sa paglilitis.
Paglilinaw naman ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, hindi tatalon sa susunod na impeachment charge ang prosekusyon dahil mahina ang unang reklamong grave threats laban sa bise presidente.
“Baligtad po yun. The reason why we will be proceeding to the presentation of evidence for Article I on the confidential fund is because we believe that we have already established our case in Article IV, that is the threat,” ani Luistro.
“Kapag nakita mo na hindi na kailangan, kalabisan na at paulit-ulit na, we should know when to stop. Lahat ng labis ay masama. Dapat sakto lang.”
