WALANG dahilan ang impeachment court na pigilan ang prosekusyon gamitin ang bank records bilang ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Akbayan partylist Rep. Chel Diokno.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Diokno ang Bank Secrecy Law kung saan aniya nakasaad ang isang probisyong nagbibigay pahintulot sa Senado buksan ang bank records n g isang akusado sa bisa ng impeachment trial.
“Kahit ang Bank Secrecy Law (Republic Act 1405) ay tumatalima sa Impeachment Court,” wika ni Diokno.
“The law explicitly states, and I quote its pertinent portions: ‘All deposits… are hereby considered as of an absolutely confidential nature… except… in cases of impeachment,” aniya pa.
“Walang kaduda-duda. May karapatan at kapangyarihan ang Impeachment Court na busisiin ang bank records ni VP Sara.”
Para kay Diokno, walang katuturan ang argumentong hindi pwedeng gamitin bilang ebidensya o mabusisi ng impeachment court ang bank records ng bise presidente.
Giit ng kongresistang miyembro ng House prosecution panel, binigyan ng kapangyarihan ng Saligang Batas ang Senado, bilang Impeachment Court, ng extraordinary powers para husgahan kung ang isang mataas na opisyal ng gobyerno ay karapat-dapat sa hinahawakang posisyon.
“Because this power comes directly from the Constitution, no one—no person, no law, and no administrative rule—can limit or supersede it.”
Maging ang Data Privacy Act ay hindi rin hinaharang ang pagpapalabas ng subpoena para sa impeachment proceedings.
“The law itself affirms that confidentiality shall not apply… should the personal information be needed pursuant to a subpoena duly issued,” giit pa ni Diokno.
“Ang proseso ng impeachment, ang pananagutan sa taumbayan ang pinakamahalaga sa lahat. Mas matimbang ito kaysa personal na interes ng sinumang opisyal na inaakusahan.”
