SA pagtatapos ng presentasyon ng mga testigo at ebidensya sa reklamong grave threat na inihain laban kay Vice President Sara Duterte, target naman ngayon ng prosekusyon isalang sa witness stand ang mga umano’y benepisyaryo ng confidential and intelligence funds na inilaan sa tanggapan ng pangalawang pangulo.
Gayunpaman, nilinaw ni Manila Rep. Joel Chua na bahagi ng House prosecution panel, na meron pang isang testigo na kailangan dumalo sa pagdinig ng senate impeachment court tapos sa Hulyo 21.
Paqrtikular na tinukoy ng kongresista ang inaabangang paglutang ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na nakatakdang magbigay ng salaysay kaugnay ng pagbabanta ni VP Sara laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta at dating House Speaker Martin Romualdez.
Garantiya ni Chua, agad na itutulak ng prosekusyon ang Article 2 kaugnay ng umano’y paglustay ni Duterte sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd).
Para kay Chua, kaabang-abang ang paglutang ng mga sinasabing tumanggap ng pondo, gayundin ang tugon ng mga abogado ng pangalawang pangulo.
“So, lahat naman tayo nag-aabang kung ano magiging tugon dito ng defense. Hindi lang po ‘yung mga kababayan natin ang nag-aabang dito, maski kami rin po sa prosecution ay nag-aabang din,” saad pa ng House prosecutor.
“Ako naniniwala, inaabangan din ito ng ating mga kababayan kung itong mga pangalan bang ito ay totoo o nag-e-exist ba ito o hindi… ginamit lamang ba ito para pagtakpan yung liquidation nila ng mga pera,” dagdag pa niya.
Ipinaalala naman ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V na una nang sinubukan ng Kamara na hubaran ng maskara at ganap na makilala ang personalidad ng mga taong tinukoy ni Duterte na pinagbigyan ng daang milyong confidential funds.
“Isa-isa nating kinuha sa PSA (Philippine Statistics Authority) kung nag-eexist yung mga ’yan. Halos dalawang daan, tatlong daan po yata ang hindi nag-eexist doon sa mga pangalan na ’yan,” paglalahad pa ni Ortega.
Umaasa ang ranking House official na ang Senate impeachment court ang siyang proper forum para malaman kung ang mga pangalang nakalista ay mga lehitimong indibidwal o imbento lamang.
“Andito na tayo. Ito na ‘yung perfect stage, ito na ‘yung pinakamahalagang part. Sana mailabas po lahat ng mga ito,” sambit ng La Union solon.
Samantala, idinaan naman sa pagbibiro ni Prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan ang talakayan sa mga nakinabang umano sa P612.5 million confidential funds ng OVP at DepEd, na kapwa nasa ilalim ni Duterte.
“Sa dami ng kinain kong ensaymada at tsaka cheese rolls sa lahat ng Mary Grace outlets na yan, wala daw silang kilalang Mary Grace Piattos. So, tingnan natin, baka biglang lumabas,” buladas ni Kapunan.
