HUGAS-KAMAY ang ang Department of Justice (DOJ) sa pagsawsaw ng National Bureau of Investigation (NBI) sa 11 umano’y ghost projects sa baluarte ng mga Cayetano — ang lungsod ng Taguig sa Metro Manila.
Bagamat walang kinalaman ang DOJ, iginiit ni Justice Secretary Fredderick Vida na malaya ang NBI maglunsad ng sariling imbestigasyon, alinsunod sa nakaatang na mandato.
“We respect the independence of the NBI, relative to their mandate to pursue investigations. First, hindi ito ipinag-utos ng DOJ. Okey? This is pursuant to the mandate of the NBI to pursue all this,” wika ni Vida sa isang ambush interview.
Paglilinaw pa ng opisyal walang kinalaman ang naturang imbestigasyon sa paglilitis ng senado sa impeachment case na kinakaharap ni ni Vice President Sara Duterte.
“Dahil ‘yung paghahabol natin ng accountability hindi naman tumitigil yun eh. Pare-parehong may ginagampanan at ginagalang natin ang senator judges,” dugtong ng kalihim.
Magugunitang kinumpirma mismo ni NBI Director Melvin Matibag na gumulong na kahapon ang imbestigasyon ng NBI sa umano’y ghost flood control projects sa Taguig City.
Ayon kay Matibag, tinututukan na ng kanyang tanggapan ang 11 proyektong konektado sa top 15 contractors na nakakuha ng flood control projects sa bansa.
Nag-ugat ang isyu matapos ibunyag ni Senator Panfilo Lacson ang naturang mga anomalya sa Taguig. Gayunpaman, todo-tanggi si Cayetano sa alegasyon ni Lacson.
