MISTULANG pinutol ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang relasyon bilang kaanak ni dating House Speaker Martin Romualdez sa binigkas na talumpating kalakip ng ulat sa bayan.
Sa isang bahagi ng State of the Nation Address (SONA), tiniyak ni Marcos na hindi niya panghihimasukan sa anumang paraan ang kaso ng kanyang pinsan sa ina, kasabay ng giit na higit na matimbang ang batas kesa sa dugo.
Para kay Marcos, walang kinikilala ang batas — kesehodang mayaman, makapangyarihan o kahit pa kamag-anak.
Partikular na tinukoy ni Marcos si Romualdez na aniya’y nakatakdang sampahan ng patong-patong na kaso ng Office of the Ombudsman kaugnay ng tinaguriang flood control scandal.
“Dumating na tayo sa punto na ayon sa Ombudsman ay malapit na ang paghahain ng patong-patong na kaso laban sa dating Speaker [Romualdez]… masakit man sa akin ito ngunit kailangan nating gawin ang tama,” aniya.
“Hindi ako Pangulo ng aking pamilya, hindi ako Pangulo ng aking kaibigan, ako ay Pangulo ng Pilipinas, at ang tungkulin ko ay sa inyo, ang aking mga kapwa Pilipino,” dagdag pa niya.
Hulyo rin ng nagdaang taon nang ibisto ng Pangulo ang umano’y katiwalian sa mga flood control projects, kasabay ng pangakong pananagutin ang mga sangkot sa pinakamalaking eskandalo sa kasaysayan ng bansa.
“Mayroon nang mga unang nakasuhan at nakulong: mga kontratista; matataas na opisyal ng DPWH; pati na ang mga mambabatas.”
Higit pa sa pagsasampa ng kaso, tiniyak din ni Marcos ang pagbawi sa mga nakulimbat na pondo ng mga dorobo sa gobyerno.
“Lahat ng mababawi mula sa mga sangkot na tiwali ay agad ibabalik sa kaban ng bayan. Ipinapaubaya na natin ang pag-uusig sa Ombudsman at sa atin pang pinalakas na National Prosecution Service. Nananalig din tayo sa makatarungang hatol ng hukuman. Makakaasa kayo na ang gulong ng hustisya ay tumatakbo.”
