HINDI pwedeng hindi dadalo ang pangalawang pangulo sa pagtalakay ng reklamong paglustay sa P612.5-milyong confidential funds na inilaan sa para sa Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan bilang Kalihim.
Ayon kay House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, nakasaad sa Article 1 ang “misuse, misappropriation, at irregular liquidation” ng confidential funds ng OVP at DepEd.
“Kasi ang ating allegation is confined only on ginamit ba ng tama? Nawala ba? Tama ba yung mga requirements?” wika ni Luistro
Ginawa ni Luistro ang pahayag nang hingian ng reaksyon sa naging posisyon ni Senator-Judge Panfilo Lacson na magprisinta ang prosekusyon ng isang eksperto sa usapin ng confidential funds upang makapagbigay liwanag hinggil sa kung ano ang saklaw ng naturang pondo at iba pang pang impormasyon.
Tulad na lang aniya ng testimonya ng dalawang former branch manager ng Land Bank of the Philippines (LandBank) kung saan ang nais umanong matukoy at mapatunayan ng prosekusyon ay kung ginastos ng tama ang P612.5 million confidential funds.
“Wala po akong naalala sa purposes ng testimony nitong dalawang testigo from LandBank, former branch managers, about having been ordered by the respondent VP for the encashment of those cheques,” sambit ni Luistro.
Samantala, sinabi ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na higit pa sa isyu kung dapat isauli ni Duterte sa kaban ng bayan ang usapin ng P612.5-M confidential fund dahil ang tunay na inaalam sa paglilitis ay kung karapat-dapat siya sa kanyang posisyon.
‘’Yung pinag-uusapan natin dito sa impeachment trial na ito, yung fitness po niya,” ayon kay Adiong, kasabay ng paglilinaw na iba ang ginawang pagbusisi ng Commission on Audit (COA) sa daan-daang milyong confidential funds ng OVP at DepEd.
Giit niya, sakaling ipag-utos ng COA kay Duterte ibalik ang pondong napatunayang mali ang pagkakagasta nito, hindi naman nangangahulugan na abswelto ang pangalawang pangulo.
“The fact that COA has already flagged the use of these confidential funds is already enough basis for us na meron talagang misuse of the confidential funds,” dagdag ni Alonto Adiong.
“Now, yung mga naririnig natin from reports, ito na ay magiging official na ebidensya sa Impeachment Court where we can actually discuss about among other things, ‘yung manner kung paano ginamit ng pera, kung magkano ‘yung ginamit na pera, at alin ‘yung mga na-violate doon sa joint circular ng ginawa po ng COA.”
