HAYAGANG tinabla ni Senador Panfilo Lacson ang umano’y alok na ceasefire ng kampo ni Senate minority leader Alan Peter Cayetano.
Gayunpaman, hindi pinangalanan ni Lacson ang sinasabing emisaryo ni Cayetano na aniya’y nabistong sangkot sa katiwalian sa mga flood control projects sa lungsod ng Taguig.
“It’s hypocrisy aimed at buying time to recover and re-consolidate for his next sneaky move… Ceasefire my foot! Anong uri ng tao ang magde-declare ng giyera, toy gun ang dala, at laway ang bala; pag na-confront ng bomba, magre-request ng ceasefire, pabulong pa?” saad sa social media post ni Lacson.
Ipinarating aniya ng kampo ni Cayetano ang alok na ceasefire ilang araw matapos isumite ni Lacson sa Office of the Ombudsman ang mga dokumento at testimonyang nakalap hinggil sa umano’y irregularidad tulad ng dobleng singil at koleksyon sa mga proyekto sa Taguig.
Itinanggi na ni Cayetano ang mga alegasyon tungkol sa mga umanoý “ghost” projects sa lungsod na pinamumunuan ng asawa ng senate minority leader.
