“HINDI po makita kung saan ginamit—parang ghost, ghost fertilizer.”
Ito ang bulalas ni House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua sa pagkukumpara sa tinaguriang P728-million fertilizer scam sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at sa daan-daang milyong confidential funds controversy na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Chua, tulad sa nabunyag na fertilizer fund anomaly, “accountability” ang sinisilip sa paggastos ng bise presidente sa kabuuang P612.5 million confidential funds na ipinamudmod umano sa mga benepisyaryong pilit itinatago.
Kaya naman sa pagpapatuloy ng impeachment trial kay Duterte, sinabi ng House prosecutor na ang susunod na hakbang ng prosekusyon ay pagprisenta ilang taga-Commission on Audit (COA).
“Magte-testify po yung COA. Ito po yung sumuri ng confidential fund, kung saan po ginamit,” wika ng kongresista.
Sinabi ni Chua na sa pamamagitan ng testimonya ng state auditors, malalaman kung ang pamamaraan ng paggasta sa P500 million confidential funds ng Office of the Vice President at P112.5 million naman ng Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan bilang Kalihim, ay alinsunod sa joint government guidelines hinggil sa “entitlement, release, use, reporting and audit ng confidential and intelligence funds.”
Sa nakaraang pagdinig ng Senate impeachment court, isinalang ng prosekusyon sa witness stand sina former LandBank branch managers Violeta Constantino at Nenita Camposano na naglahad ng apat na P125-million OVP checks at tatlong P37.5-million DepEd checks na na-encash.
Nang tanungin ng mga senator-judges, naibulalas ni Constantino na sa kanyang 32 years banking experience, unang pagkakataon pa lamang niyang narasanan ang malaking cash withdrawals, na tinawag niyang “unusual” o hindi pangkaraniwan.
Dagdag pa ni Constantino, ang pera mula sa apat na P125-million checks ay binitbit palabas ng Landbank Shaw Blvd. branch ni OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta; habang inginuso naman ni Camposano si DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda testified na siyang tumanggap ng encashment ng tatlong P37.5-million checks.
Kaya naman dahil napatunayang public funds ang nasabing mga halaga, iginiit ni Chua na ang namumuno ng ahensya at SDO ang silang dapat managot sa kuwestyon kung sa tamang paraan ba ginamit, napunta at ano ang resulta ng nailabas na pondo.
“Alalahanin ninyo yung fertilizer scam. May pondo yung fertilizer, yung programa ng gobyerno. Magandang programa po ’yan. Talaga namang kinakailangan na mayroong programa para sa ating mga magsasaka,” saad ng Manila solon.
“Pero pag ito po’y naglabas ng pondo at hindi po makita kung saan ginamit—parang ghost, ghost fertilizer.”
